Iimbak
PANITIKAN: Leksyon sa Eleksyon
Ni Kislap Alitaptap
21 Pebrero 2010
Namamayagpag sa ere ang eleksyon,
Nadagdagan, nabawasan ang mga koneksyon.
Sa mga nakakatanggap ng bendisyon,
Pumapaimbulog ang kanilang koleksyon.
Ang gimik ng iba’y magsisimba’t pipila sa komunyon
Na sana sila’y pagpalain sa kanilang desisyon.
Sa lahat ng sulok ng apat na direksyon,
Nagkalat ang mga bandera ng “beautification”.
Ang rosas ay ginawang luntian ng administrasyon,
May dilaw at kahil na pantapat naman ang oposisyon.
May isang ibinida na naipababa ang singil sa komunikasyon,
Ngunit ‘di nito binanggit na siya’y pasimuno ng militarisasyon.
Ang isa nama’y ibinalita ang pagsasaayos ng transportasyon,
Ngunit ‘di nito ibinilang na siya ang ulo ng mga demolisyon.
Samut-saring patutsadahang ibinabala sa kanyon,
Sandamakmak na pangakong wawakasan ang korapsyon?
Ang iba’y nagsabing bibigyang pansin ang edukasyon?
May isa namang nais bumalik sa inagaw sa kanyang posisyon?
Sumang-ayon ka man o hindi sa aking opinyon,
Ang mga ito’y tabing lamang ng maiitim nilang intensyon.
Kung ikaw may nakapagpatala sa lumipas na voter’s registration,
‘Nawa’y alam mo din ang sistema ng susubukang automation.
‘Wag na wag mo ring kakaligtaang isama sa iyong selection,
Ang mga indibidwal at samahang kasapi ng Makabayang Koalisyon.
Anuman ang kahantungan ng umeereng eleksyon,
Sana rito’y makahagilap ka ng buhay na leksyon.
Na ang prosesong eleksyon, sa kahirapan ay ‘di solusyon;
Ito’y paligsahan lamang nilang mayroong, daan-daang milyon at bilyon. #
PANITIKAN: Skirmishers
ni Vlad Gonzales
_______________________________________________________________________
Mas kilala sila sa tawag na “snipers,” mula sa pangalan ng ibong hinahangaan ang bilis at pagkamailap. Kaya mas kahanga-hanga, kung sa gitna ng lahat ng pagkalistong ito’y mapatutumba sila sa isang kalabit lang ng gatilyo, mula sa isang asesinong nasa kabilang panig ng mundo.
Pero ngayon, ang asesino’y lumabas sa pagkakakubli, bukas na target para sa mga pumipitik-pitik na kamera ng balita sa TV. Habang ipinakikita sa madla kung paano paganahin ang kani-kanilang mga naghahabaang sandata, nakahanay naman sa isang hilera ang mga katropang pulis, pinapalamutian ng mga bakal na helmet at kalasag. Sa harap ng kalasag, nag-aabang ng signal ang mga taong binayaran para maging “sibilyan;” sa likod naman, ang mga kasamang bombero, hawak-hawak ang mga tubong naglalaway, handang bumuga ng galon-galong tubig anumang sandaling naisin ng kanilang mga direktor.
At nagsimula na ang demonstrasyon. Sumugod ang mga inarkilang sibilyan. Sabay-sabay silang tumakbo papalapit sa mga tagapagtanggol ng bayan. Matibay ang mga kalasag, at malakas ang hampas ng kanyong de-tubig. Ni hindi napadampi ng mga sibilyan maski dulo ng daliri sa mga blangkong mukha ng metal na panangga. Bombero ang diyos na may balahurang pantog, at silang mga sibilyan ang mga sisiw na nilulunod sa dagat-dagatang ihi. Mga masayang basang-sisiw, humahagikgik habang gumugulong-gulong at nagkakandadulasan sa nagpuputik na army field, mga sisiw na nakangisi habang sinusuntok-suntok ng tubig ang mga matang napapikit.
Pagkat ang lahat ng ito’y ehersisyo lamang. Ang lahat ng ito, ang mga camera, ang mga pulis, ang mga bombero’t sniper, ang mga umaarteng sibilyan, isa itong pinaghandaan at pinakinis na pagpapakitang-gilas. Batid nila ito, silang mga inarkila para maging sibilyan. Batid nilang, sa labas nitong demonstrasyon, ang pagkitil ay mas marahas. Walang sinisino. Hindi nagpapaalam at walang kahit anong pasintabi.
[July 22, 2009]
